Nagbibihis ang wika, mabilis
magpalit. Ang tanong, naabot ba ang hangarin na pagkakaisa na mapagyaman ang
wikang Filipino? Kung sinasabi nating ito ay bahagi ng kasaysayan, ng ating
kultura at tradisyon maging pagkakakilanlan, hindi ba dapat pinayayabong ang
ating wika at dapat na respetuhin ng mga dayuhan lamang?
Marapat na hindi pahintulutan
ang ibang dayuhan na magparada ng ibang wika.Negatibong epekto nito ay ang
pagiging tamad, walang disiplina sa pag gamit ng wika, marami ang baka
mahumaling sa dayuhang wika, mga madaling maloloko, pagkalimot sa sariling wika,
at Colonial Mentality na maaring maka apekto sa mga Pilipino na maakit sa
dayuhang wika.
Sa
isyung ito,Malaki ang posibilidad na makatulong tayo. Sa halip na Pilipino ang
mag aadjust, aliens o dayuhan ang may karapatang mag adjust dahil sila ay
nararapat na adaptuhin ang wika at kultura ng isang bansang kanyang
kinalalagyan.
Ang sariling wika ay hindi
nakababawas ng katalinuhan at katanyagan kung gagamitin sa iba’t ibang
larangan. Kung ang usapin ay karunungan, maraming nag-aakala na mahina ang mga
Filipinong hindi nagsasalita ng wikang dayuhan partikular na ang mga taong
hindi nakapagsasalita ng matatas sa Ingles. Madalas silang maparatangang walang
alam o mas masakit, tinataguriang bobo. Isa itong masaklap na pangyayari.
Ngunit humihina na ang ganitong pagpaparatang dahil ginagamit ang wikang ito ng
kasalakuyang Pangulo at hindi naman ito nakabawas ng katalinuhan at katanyagan.
Sa kanyang mga talumpati at opisyal na pakikipagtalastasan sa taumbayan, buhay
na buhay ang wikang Filipino tulad ng pagsasabi niya sa kanyang SONA na malakas
ang bansang Pilipinas. Hindi ba’t napakaliwanag ang landas na tatahakin kung
kasabay ng malakas na Pilipinas ay malakas rin ang Filipino bilang matatag na
wikang pambansa?
Sa kabila ng pagpapatatag
at malawakang paggamit ng wikang Filipino, buhay na buhay pa rin ang maraming
isyung nagpapahina sa ating wikang pambansa. Mga dati nang isyung nagiging
dahilan kung bakit hindi umusad ang biyahe nito. Una na rito ay ang hindi
maayos na pamamahala ng edukasyon sa ating bansa at karaniwang nakakiling ang
mga administrador ng mga paaralan at pamantasan sa wikang Ingles dahil ito raw
ang wika ng mundo.
Pangalawa ang uri ng
trabaho na laganap sa Pilipinas, ang sunod-sunod na pagsulpot ng mga Business
Process Outsourcing (BPO) o mga call center na nangangailangan ng mga
Pilipinong sanay magsalita ng Ingles.
Pangatlo ang kakitiran ng
pag-iisip ng maraming edukador na hindi maaaring maging wikang panturo ang
pambansang wika. Hindi ito maaari sa edukasyon sa Pilipinas. Lagi nilang
sinasabi na Ingles lamang ang wika ng karunungan lalo na sa Agham at
Matematika. Dati pa itong isyu na hindi pa rin nila matanggap ang sagot dahil
nakabaling pa rin ang kanilang paningin sa wika ng mga dayuhan.
Pang-apat na isyu, ang
napakababang pagtingin ng mga mambabatas, maraming opisyal ng pamahalaan at
ilang kolonyal na Pilipino sa wikang Filipino. Marami sa kanila ang may maling
haka na wala itong lakas at hindi matatag para umangkop sa pangangailangan ng
Pilipinas sa maraming larangan, medisina, batas, enhinyerya at iba pang
malalaking larangan.
At ang huling isyu, kulang
na kulang daw sa mga sanggunian at kakaunti ang naisasaling karunungan
mula sa banyagang wika tungo sa wikang Filipino na kailangang–kailangan ng mga
estudyanteng Pilipino.
Ilan ito sa nagiging
dahilan kung bakit natatrapik ang biyahe ng wikang Filipino. Paulit-ulit na
lamang ang ganitong isyu na ipinupukol ng mga Pilipinong mahina ang pagkilala
sa sariling wika sa ating bansa. Kaya paulit-ulit na natatrapik ang ating identidad
bilang Pilipino.
Matinding kalbaryo ang
sinapit ng wikang Filipino lalo na ang nilagdaan sa panahon ng nakalipas na
administrasyong Macapagal-Arroyo ang Executive Order 210 (Establishing the
Policy to Strengthen the Use of English Language in the Educational System).
Pumasa rin sa kongreso ang House Bill 4701 (An act to Strengthen and Enhance
the Use of English as the Medium of Instruction in Philippine Schools) na
nagligaw sa wikang pambansa para humina at mawalan ng kabuluhan sa edukasyon sa
Pilipinas.
Totoo na ang Ingles ang
wika ng mundo para magkaunawaan ang iba’t ibang lahi sa daigdig ngunit hindi
totoo na wikang Ingles ang wika ng karunungan sa bansang may sariling kultura
at kabihasnan, lalo na’t ang bansang ito ay may sariling wika. Baluktot ang
daang tinutumbok ng mga Pilipinong hanggang sa kasalukuyan ay nagsusulong na sa
Ingles matatamo ang ganap na pagkatuto.